“Bagay Tayo” ni Jerry Gracio

Para sa huling dyornal sa HUM4, ang tekstong ibinigay sa amin ay ang “Bagay Tayo” ni Jerry Gracio. Ito’y isang CNF na akda tungkol sa pagmamahalan ni Jerry at ng kanyang asawang si Raymond Reña o si “Pitbull”. Bagama’t nabasa ko na ito noong Abril, kinailangan ko itong basahin ulit para sa dyornal na ito.

Ang paglalahad ni Jerry Gracio sa Bagay Tayo ay parang mga piesa ng isang puzzle dahil sa paraan niya ng pagbabago mula sa isang kwento papunta sa isa. Swak na swak ang pagsisimula at pagtatapos niya ng kanyang mga istorya, katulad ng ginawa niya sa “Love at First Sight” at “Kwento,” kung saan nagtapos ang paglalahad ng storya sa kung paano na-in love sa kwento ni Pitbull si Jerry, habang ang istorya ng “Kwento” ay tungkol sa pagkukuwento ni Gracio tungkol sa mga kwento ni Pitbull sa kanya. Nang mapagtanto ko itong ginawa niya upang pagdugtungin ang mga piraso ng buhay nila, medyo naisip ko kung gaano ka-henyo ang pagkakasulat sa CNF na ito.

Nagustuhan ko rin kung gaano kapersonal ng atake ang kanyang pagsulat na mistulang ramdam mo ang kilig at pagmamahal sa bawat letrang kanyang isinulat. Mula sa istruktrura ng kung paano niya inaangkop ang bawat kwento sa pamagat ng bawat bahagi ng libro hanggang sa mga makukulay na salita para ilarawan kung paano sila nagkakilala at nagmahalan, ang akdang ito ay sumisigaw ng puso — ito’y nagmula sa isang pusong nagmamahal.

Bukod dito, sobrang makabagbag-damdamin ng mga kwentong kanyang sinulat at mahirap ibaba ang libro kapag nasimulan mo na itong basahin. Katulad ng sinabi ko kanina, makukulay ang paglalahad ni Gracio sa mga kwento niya dahil iba-iba ang paraan ng kanyang pagkukuwento para maiangkop sa istoryang kanyang nilalahad. Halimbawa, ang paglalahad ng kwento sa “Kwento” ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng deskripsyon ng kung ano ang isang kwento habang ginagamit ito bilang isang metapora upang ikwento ang mga istorya ni Pitbull. Palaging mayroong tema ang bawat istorya sa buhay nila at palaging may angkop na literary technique at paraan ng panunulat na ibinibigay ni Gracio upang mabigyan ng hustisya ang kanyang akda.

Higit sa lahat, nagustuhan ko nang sobra ang kwento ng buhay nila dahil ito’y isa sa mga kwento na parang kailangang marinig ng lahat ng tao dahil sa kung gaano ka-unconventional ng love story nila habang nagbibigay ng mga katotohanan tungkol sa pagmamahal. Una sa lahat, ang kwentong ibinigay sa atin ni Jerry Gracio ay isang LGBTQIA+ na kwento. Aminin man natin sa hindi, alam nating lahat na ang komunidad ng mga beki ay hindi pa talaga ganung katanggap (pero sobrang nakakatuwa na nagbabago na ito nang pakonti-konti), kaya nagbigay ang akdang ito ng boses para sa mga taong katulad namin na nasa komunidad na ito. Pangalawa, ang kanilang pag-iibigan ay ang tipong hindi makikita sa mga pelikula ngunit parang kailangan natin ng mas maraming ganito, sa totoo lang. Ang pag-ibig ay parang tubig na nag-iiba-iba depende sa kung anong hugis ito paglalagyan. Wala namang tiyak na formula sa pag-ibig, at natural na nagkakaroon ng mga pagkakataon na hindi talaga parang isang fairy tale na palaging may tiwala ang prinsesa na ililigtas siya ng kanyang prinsipe. Ang pag-iibigan sa tunay na buhay ay ang pagbabangayan sa sasakyan dahil sa mga pagkakamali ngunit magbabati rin naman matapos ang ilang araw, ang pagtambay sa voice channel nang walang imikan, o di kaya ang isang araw na pakikitulog sa bahay na naging 13 taon. Maraming klase ang pag-ibig, at nababagay ang mga librong tulad nito sa ating lipunan na kailangan natin magkaroon ng mas makatotohanan na paglalarawan sa media tungkol sa mga bagay na ganito.

filtered out word vomits