Ang Aking Balkonahe sa Gitna ng Pandemya

Anya Dela Cruz
2 min readMay 30, 2021

--

(Ang akdang ito ay bahagi ng aming mga aktibidades noong SHS para sa klaseng SH-HUM 3. Dati itong inilathala na may pamagat na CNF Writing Exercise: Exercise on Rhetorical Techniques. Inilathala ito noong 2021, sa gitna ng pandemya, at rinebisa ngayong araw, Marso 03, 2023.)

Ngayong mga nagdaang araw, nahahanap ko ang aking sarili na tumatambay sa balkonahe sa labas ng aking munting kwarto. Mga Marso noon nang nagsimulang umabot ang pagiging plantita ng aking nanay mula sa aming halamanan sa unang palapag papunta sa aming terasa sa pangalawa, kaya ang dating walang kalaman-laman na balkonahe ay naging isang munting hardin na binibisita niya araw-araw para madiligan. Sari-sari ang mga halaman dito: may mga kalachuchi, bellflower, pothos, silver queen, at iba pang mga halaman na hindi ko mapangalanan. Ang resulta, tuloy, ay isang terasa na may preskong simoy ng hangin, maaliwalas na kapaligiran, at magandang tanawin lalo na tuwing sisikat at lulubog ang araw.

Pumapalagi ako sa aming balkonaheng hardin sa mga panahong ninanais kong bumisita. Minsan, kinakausap ko ang aking mga kaibigan doon sa pamamagitan ng Discord, kalimitan ay kinukunan ko ito ng larawan lalo na kapag sobrang ganda ng langit, ngunit madalas ay dito ang aking pahingahan mula sa maingay at nakakabahalang saloobin na naaalala ko sa aking silid. Naaalala ko, mga dalawang taon na ang nakakaraan, ay palagi kong ginustong lumisan sa nakakasakal na pakiramdam na binibigay sa akin ng sarili kong kwarto. Naaalala ko ang labis na kalungkutang naranasan nang maghiwalay kami ng kasintahan ko noon.

Wala man akong iniibig ngayon, bumabalik-balik pa rin ang pakiramdam ng pagkakasakal dahil sa sitwasyon natin — ang sitwasyon nating tayo’y nakakulong sa bahay, iniisip kung ano na ang mangyayari sa atin at sa ating bansa, habang nalulunod sa mga gawain mapa-trabaho man o eskwelahan. Wala nang lugar at wala nang pagitan ang personal at propesyonal nating mga buhay, wala nang espasyo para makahimlay. Kaya, ang balkonaheng ito ang natatanging paraan, ang aking huling kapit, upang makatakas ako mula sa mga bumabahala sa aking isipan.

Sa buong bahay na ito at sa mundong kinabibilangan natin ngayon, dito lamang sa aming munting balkonahe ako pwedeng tumingin sa kawalan, mangarap, at makalaya.

Gusto kong makalaya.

--

--

Anya Dela Cruz
Anya Dela Cruz

Written by Anya Dela Cruz

My name is Anya. I write hopelessly and with love.

No responses yet