Online Journal 1: Repleksyon sa Tula ni Jess Santiago

Sinasabi nila na “a picture is worth a thousand words,” pero ibig sabihin ba nito walang kwenta ang mga salita? Na ito’y naglalaho lang sa hangin kapag binibigkas? Paano ang tula? Ang tula ba ay isa lamang na pagtitipon-tipon ng mga salita para makabuo ng… wala?

Kung ang tula ay isa lamang pumpon ng mga salita, walang kwenta ang mga tula dahil walang lamán sa “lamang”. Walang kahulugan ang “tula” at “daigdig” ni Abadilla, at walang nakaukit na kagandahan sa “petals on a wet, black bough” ni Pound. Sa tula ni Jess Santiago na Kung Ang Tula Ay Isa Lamang, nilahad niya ang kanyang pagkadismaya sa mga taong (lalo na sa mga makatang) minamaliit ang pagiging isang manunula. Ang pagiging isang makata ay isang paraan ng pamumuhay: sa bawat salita na binibigkas o sinusulat ng isang manunula ay may ibinabahagi itong parte ng pamumuhay, kahirapan, pangarap, prinsipyo, kaisipan, o karanasan na nakita niya bilang isang tagapagmasid o bilang isang taong inaalala ang kanyang karanasan.

Sa unang bahagi ng tula, gumamit si Santiago ng mga parirala na may kinalaman sa agrikultura tulad ng “isang taling kangkong”, at “isang bungkos ng mga talbos ng kamote.” Bilang isang agraryong bansa ang Pilipinas na ginagamit ang prutas at gulay upang mabigyan ng kasingkahulugan ang isang salita, madaling maintindihan ang mga piniling parirala ni Santiago. Sa isang dako, ito’y sumasalamin sa buhay (maaaring buhay niya) ng mga manggagawang uri ng Pilipino. Sa kabilang dako, ito’y maaari ring tumukoy sa mga Pilipinong kataga na “pinulot sa kangkungan” at “nangangamote”, na sinusuportahan ng panlima at pang-anim na linyang ukol sa pagpupupol (ng kamote) at pag-umit (sa talbos ng kamote). Ang mga katagang ito’y may negatibong konotasyon na may kinalaman sa ambisyon (o ang kawalan nito) ng isang Pilipino, pati na rin ang kamangmangang kaakibat nito. Kapag isinama ito sa una hanggang pangatlong linya ng tula, pinapahiwatig nito na mas gugustuhin pa ng manunula na hindi na lang siya mangarap kaysa tawaging walang kwenta ang kanyang sining.

Sa pangalawang bahagi ng tula, inilahad ni Santiago ang kahirapang kanyang naranasan bilang isang manunula na wala sa maginhawang estado. Gumamit siya ng mga salitang tumutukoy sa limang pandama tulad ng “walang ilong”, “walang mata”, at “panlasa”, at ito’y karaniwang nangangahulugan sa mga bagay na inuugnay sa pagiging tao. Maaring mangahulugan sa pagkawala ng mata at pagkawala ng ilong niya na walang pinipili ang gutom, at nanaisin natin na magbulag-bulagan o hindi pansinin ang kahit ano para lang makaraos. Dumagdag pa dito ang kanyang pansampung linya na tungkol sa kanyang pagkagutom. Pwede itong mangahulugan na siya ay nagugutom sa pisikal na aspeto, ngunit pwede rin itong mangahulugan na siya ay nagugutom para sa kaalaman at karunungan. Isa pang sumusuporta dito ang ideya na ang kanyang bituka ay walang ilong at walang mata at hindi kayang gumawa ng mga tungkulin na ginagawa ng tao. Bukod sa mga puntong ito, isinulat rin ni Santiago sa kanyang labintatlo at labing-apat na linya na siya ay “malaon nang namanhid” sa panlasa dahil sa dalita. Ito’y bumalik muli sa motif ng limang pandama at bukod dito bumalik rin ito sa tema ng kahirapan sa kanyang mga karanasan na nagsemento sa kanyang punto tungkol sa pagsulat ng mga tula bilang isang pagtatala ng mga kahirapan at karanasan.

Winakasan ni Santiago ang kanyang tula sa mga matitibay at makapangyarihang salita, pati na rin ang pagbibigay ng babala sa kanyang mga kapwa manunula na wala silang karapatang magsalita ukol sa pagiging makata kung hindi nila sineseryoso ang mga bersong kanilang sinusulat o binibigkas. Totoo siguro na ang larawan ay katumbas ng isang libong salita, ngunit hindi ito nangangahulugan na walang saysay ang mga binibitiwang linya o taludtod o epiko ng isang makata. Pinapahayag ng isang makata ang kanyang buhay sa pamamagitan ng kanyang mga tula, at ang kanyang mga tula ay sumasalamin sa pagkatao niya. Kung ang tula ay isa lamang, isa lamang ang salamin ng katauhan.

filtered out word vomits