Online Journal 2: Pagsusuri sa Tula ni Carlos Piocos

Mayroong mga sitwasyon ang mga taong hindi nila maiiwasan, at may iba’t ibang rason kung bakit. Hindi nila ito maiwasan dahil ito’y kaakibat ng kanilang gawain at responsibilidad bilang isang kasapi ng lipunan, habang ang iba naman ay natulak sa ganitong mga sitwasyon dahil ito ang inaasahan mula sa kanila.

Sa tula ni Carlos M. Piocos III na “Mga Pangkaraniwang Lungkot” mula sa kanyang aklat na “Corpus”, Ang unang mapapansin sa tula ay nakabalangkas itong parang isang liham, na dinidiin ang mga pangkaraniwang panimula at pangwakas ng isang liham. Ang tula mismo ay nakasulat sa malayang taludturan na may walong saknong (na may dalawang taludtod na nakawahiwalay), at magkakaiba ang haba ng bawat isa. Ang sunod na mapapansin sa tula ay ang tema nitong ukol sa pag-ibig, gaya ng deskripsyon ng libro mismo.

Pero hindi ito isang normal na tula tungkol sa pag-ibig ng isang tao sa kanyang minamahal, kahit na nagmimistulang ganito ang pagkagawa sa tula. Ang persona ng tula ay maaaring maging dalawang tao o dalawang perspektibo: maaaring ang persona ay isang sundalo, at ang isa naman ay mananalaysay (o historian). Ang kanyang iniibig naman ay pwedeng isang taong kanyang lubusang iniibig, o di kaya’y ito’y para sa ating mga mambabasa ng kanyang mga akda — isang love letter para sa atin para tayo’y maging mas mapagmasid sa mga bagay na nangyayari sa ating lipunan.

Nagsimula ang tula sa paglalahad ng persona sa kanyang kalagayan, parang isang mahal natin sa buhay na namamaalam. Mapapansin rin sa taludtod na ito na nagbigay siya ng nakakapagtakang instruksiyon sa taong kanyang sinusulatan: na lukutin niya ang papel at hayaang ipaagos sa isang ilog. Maaaring ito’y mangahulugan na gusto niyang magpatuloy sa kanyang karaniwang buhay ang tatanggap ng sulat kahit na wala na siya, bilang ang ilog ay sumisibolo sa buhay at iikot pa rin naman ang mundo kahit na mawala ang isang tao sa mundo. Sa kabilang dako, maaari ring mangahulugan na ang pag-agos ng kanyang liham sa ilog ng buhay ay ang kanyang pamana (o legasiya) sa mundong ating ginagalawan, at gusto niyang malaman at maunawaan ng ibang tao ang kanyang naratibo at ang katotohanang kaagapay nito.

Ang pangalawang saknong naman ay ang paghahanda ng persona sa pagsulat ng kanyang tula. Isinulat niya ang mga detalyeng kinakailangan upang makuha ng tagatanggap ng liham katulad ng lunan at pangalan ng nagpadala, pati na rin ang iba’t ibang bagay na natitira sa kanya o ang kanyang mga pangkaraniwang lungkot: mga lukot-lukot na ulap, isang itim na balahibo ng uwak, ang pinggang may pingas sa labi, ang larawan ng isang matandang simbahan, tatlong itinuping bulaklak, at isang pares ng natuyong pakpak ng paruparo. Ang mga memento na ito ay tumutukoy sa mga alaalang bumuo sa kanyang buhay. Ang lukot-lukot na ulap ay maaaring sumimbolo sa mga nawaglit na pangarap habang ang itim na balahibo ay nangangahulugan ng kamatayan, na bumabalik sa motif ng unang saknong. Ang pinggang may pingas sa labi at larawan ng matandang simbahan ay maaaring mangahulugan ng kanyang buhay bilang isang mananalaysay dahil ito’y maaaring mga artifacts ng kanyang mga isinusulat. Gayunpaman, maaari ring mangahulugan ang pinggan bilang patunay sa kanyang sitwasyon, habang ang larawan ng simbahan naman ay maaaring sumimbolo sa kanyang pananalig sa Diyos o di kaya’y mga alaala ukol sa kanyang nakaraang buhay bago siya maging sundalo. Ang tatlong itinuping bulaklak ay maaaring makita bilang simbolo ng pagiging puro o ng pagmamahal na hindi nagbunga, at ang isang pares ng natuyong pakpak ng paruparo ay maaaring makita bilang isang simbolo ng hindi pagiging malaya. Pwede ring mangahulugan ang paruparo sa nagambalang banyuhay ng persona. Ang mga kagamitang ito ay pinaubaya niya sa kanyang sinusulatan, na nangangahulugang ipinapaubaya na niya sa makakatanggap nito ang kanyang buhay.

Ang sumunod na saknong ang simula ng tunay na “liham” ng persona, at ito’y magiging isang motif hanggang sa matapos ang tula. Sa pangatlong saknong, nangamusta ang persona sa kalagayan ng kanyang sinusulatan, at hinalintulad niya ito sa kung paano isinusulat ng mga eksperto ang kasaysayan. Ang buong analohiya na ito ay dumagdag sa naratibo na alam nating hindi lamang isang pangkaraniwang mamamayan ang sumusulat kundi isang taong alam ang mga pangyayari sa kanyang kapaligiran.

Sa pang-apat saknong naman ay ang simula ng pagkuwento ng persona sa kanyang kalagayan, katulad ng ginawa niya sa unang saknong, ngunit ang kaibahan lang nito ay mas malalim ang kanyang pagpapaliwanag sa kanyang mga naranasan simula dito hanggang sa pang-anim na saknong. Ang mga sumusunod na saknong rin ang nagbigay ng mas direktang hudyat kung ano ang kaanyuan ng persona.

Ang pagbigay sa historyador na kaanyuan ay nagsimula sa pang-apat na stanza, dahil ang pagpapahayag niya sa kwento ng kung paano nagsasalaysay ang mga eksperto ay parang alam niya ang pasikot-sikot nito — parang naranasan na niya ang pagtrabaho sa larangang ito. Bukod dito, nagkuwento rin siya tungkol sa matinding sikat ng liwanag, at ang bumibisitang anghel na may tatlong ngalan: Labis-Labis na Alindog, Labis-Labis na Pusok, Labis-Labis na Libog. Sa isang dako, ito’y pagnanasa ng persona na makasama ang kanyang iniirog dahil siya’y natuyot na sa paglalambing ng kanyang kasintahan. Sa kabilang dako, ito’y maaaring mangahulugan ng kanyang pagnanasa para sa karunungan, na pinatatag ng una hangang pangalawang linya ng saknong na tumutukoy sa pagkukulong ng isang mananalaysay sa isang silid upang makapagsulat.

Ang ikalimang saknong naman ay maikli ngunit ito’y nagbibigay pa ng mas malalim na konteksto tungkol sa buhay na kanyang nararanasan sa pamamagitan ng paglalahad ng mental imagery o paglalahad ng mga larawan na pwedeng mawari ng nagbabasa (ng liham o ng tula sa kabuuan). Bukod dito, ang saknong na ito ay tungkol rin sa kanyang pangungulila, na ang kanyang mga iniisip ay wala nang nakakaintindi kundi ang mga kuliglig at gagamba na lamang.

Ang kasukdulan ng tula at ang posibleng naratibo ng isang sundalo ay makikita sa ikaanim na saknong. Dito na niya ipinahayag ang mga detalyeng walang may gustong makarinig sa takot na may mangyaring masama o di kaya’y dahil sa kalikasan ng sangkatauhan na ayaw nilang marinig ang katotohanan. Sinasabing dito nagmula ang naratibo ng sundalo dahil ang paglalarawan ng pagbibilang ng bangkay at ang pagkuwento ng persona na ang kanyang mga kasama ay “nilamon ng hamog at usok” ay madalas na marinig sa mga taong kasapi sa isang gyera, at ang motif na ito ay makikita rin sa sumunod na limang taludtod. Kapag idinagdag pa rito ang huling dalawang taludtod na tungkol sa kagustuhan niyang matanggal ang dumi sa kanyang katawan, mapapatibay pa ang naratibong ito.

Samantala, ang sumunod na saknong ay itinutulak pa ang naratibo ng isang sundalo, mula sa mga mistulang PTSD na nakuha niya sa insidente pati na rin ang pag-alaga niya nang maiging maigi sa liham na naglalaman ng mga importanteng bagay na kailangang marinig ng tatanggap ng kanyang sulat. Sa puntong ito, mapapansin rin na pareho lang ang haba nito sa ikalimang saknong — ang isa pang saknong na nagbibigay ng kanyang mga karanasan sa kanyang pamumuhay.

Sa wakas, magtatapos na ang tula sa pamamagitan ng mga karaniwang pamamaalam sa isang liham: mula sa “nawa ay nasa mabuti kang kalagayan” hanggang sa lagda ng nagsulat, isang marka na ang liham na ito ay totoo at para sa mga mata ng tatanggap ng kasulatang ito. Ito ang kanyang huling sulat, huling bating pangwakas, at huling halik sa kanyang minamahal.

Sa kabuuan, ang “Mga Pangkaraniwang Lungkot” ay hindi lamang mga pangkaraniwang lungkot. Ito ay mga lungkot na nadarama ng bilang na mga tao sa lipunan, mga lungkot na sila lamang ang makakaramdam. Ito ay isang tulang tumatalakay sa mga paghihirap ng mga taong malayo sa kanilang minamahal, mapasundalo man ito o historyador. Bukod dito, ito rin ay tumatalakay sa mga kwento ng mga taong nanganganib ang buhay para maipaglaban ang katotohanan, lalo na bilang tayo’y isang bansang kinolonisa nang paulit-ulit. Sa estado, ang mga taong sumusugal ng kanilang buhay para sa ating bansa, mapa-dahas man o panulat ang gamit nila, ay mga numero lamang sa isang dokumento. Madalas ay wala silang pakialam kung ano ang iniisip o dinaramdam ng mga kasapi sa gyerang kanilang nilalabanan dahil ang pakialam lang nila ay manalo sila.

Ang tulang ito ay nagbigay ng buhay sa mga numerong ito sa pamamagitan ng pagmamahal. Ano nga ba ang pagmamahal? Ang pagmamahal ay hindi kayang ilahad kahit abutin pa ng isang milyong salita ang isang tao, ito ay isang bagay na mararamdaman lamang at mararanasan. Hindi lamang ito puno ng kasiyahan kundi may kaakibat rin itong kalungkutan at, sa mga malalang senaryo, pagdurusa at pagdalamhati. Ang “liham” ni Carlos Piocos ay tungkol sa pag-ibig at ang mga pasikot-sikot nito: mula sa pagmamahal sa kanyang iniirog, pagmamahal sa kanyang mga kasama, pagmamahal sa katotohanan, pati na rin ang pagmamahal sa bayan. Bukod dito, ang tulang ito ay nagsisilbing love letter hindi lamang sa tatanggap ng sulat o sa mga makakabasa ng tulang ito, kundi para na rin sa mga taong nawalan ng pagkakataon na marinig dahil sila ay lumipas na bago nila nailahad ang kanilang mga saloobin at kwento. Hindi man karaniwan ang lungkot sa kanilang mga sitwasyong nararansan, pero ang karaniwang lungkot pagdating sa pagmamahal ay hindi lamang sa ating mga “normal” ang pamumuhay kundi para sa lahat ng tao na nagpapatuloy na umagos sa ilog ng buhay hanggang sa awanggan.