Online Journal 3: Pagsusuri sa Tula ni Amado V. Hernandez

Ang pagpatak ng likido mula sa mga mata, ang pag-iyak, ang pagluha. Bakit ba lumuluha ang tao?

Maraming ibig sabihin ang pagluha. Minsan, lumuluha ang tao kapag siya’y natutuwa (sa Ingles, tears of joy), pero kadalasan ito’y nangyayari kapag siya’y nalulungkot, kapag siya’y nagdalamhati, o kapag siya’y galit. Sa tula ni Amado V. Hernandez na “Kung Tuyo na ang Luha Mo, Aking Bayan”, ang pagluha ay dahil sa kombinasyon ng maraming negatibong emosyon na nanggagaling sa walang katapusang laban ng Pilipinas sa maraming bagay: mula sa pakikipaglaban sa kolonisasyon, hanggang sa pakikipaglaban sa sarili nitong mamamayan.

Sa unang tingin, mabilis lang maintindihan ang istraktura ng tula. Ang tugma nito ay isang monorhyme kada saknong, at ang bawat taludtod ay may sukat na 16 sa lahat ng taludtod. Ang poetic line ay pinutol sa pamamagitan ng end-stopped na paraan, at gumagamit ng iba’t ibang bantas (kadalasan ay mga kuwit) sa dulo ng taludtod. Gayunpaman, kapansin-pansin na walang bantas sa dulo sa tuwing dumadaan ng pang-labintatlong taludtod, at ito’y maaaring iugnay sa ikaanim na taludtod na tumutukoy sa Battle of Manila na nangyari noong Agosto 13, 1898. Kung ihahalintulad naman batay sa laman ng tula mismo, mas madali itong maintindihan kaysa tulang sinuri noong nakaraang linggo. Gayunpaman, hindi nito isinakripisyo ang pagiging isang makabuluhang tula dahil ito’y isang politikal na akda na tumatalakay sa mga isyu, suliranin, at kasawian ng Pilipinas at ng mga Pilipino.

Ang unang saknong ay ang paglalahad ng persona ng kanyang pagnanais na lumuha ang Bayan (ang Pilipinas) para sa lahat ng kanyang kasawiang naranasan sa kamay ng mga dayuhan. Kapansin-pansin rin dito na ang saknong na ito ay nagtatapos sa mga salitang may impit, na sumisimbolo sa galit na kasama sa pag-iyak ng Inang Bayan. Bukod dito, ang tugma ay nagbibigay ng matatag na panimula o strong start para sa isang tula tungkol sa marahan ngunit taos-pusong paglabas ng mga saloobin ng Pilipinas ukol sa mga nangyari (at nangyayari) sa kanya.

Samantala, ang pangalawa hanggang pang-apat na saknong ay ang mas mainam na paglalahad ng pagluha ng Inang Bayan. Nakamit ang mga madamdaming saknong na ito gamit ng dalawang paraan: una ay sa pamamagitan ng malalim na paglalarawan ng mga sitwasyong nararanasan ng mga pangkaraniwang mamamayan na Pilipino; at ang pangalawa naman ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng alegorya sa anyo ni Sisa at Huli, mga tauhan sa mga akda ni Rizal na Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Isa pa, kapansin-pansin rin na walang impit sa dulo ang mga taludtod sa mga bahaging ito, at ito’y maihahalintulad sa dahan-dahang pag-agos ng luha ng Inang Bayan: ang luha ng mga Pilipinong patuloy na nagiging biktima ng mga kasakiman at pang-aapi mula sa mga taong walang ginawa kundi kumuha at hindi na nagbalik ng kahit ano sa mga Pilipino.

Sa wakas, ang pang-anim na saknong ay ang pagbangon ng Bayan mula sa pag-iyak nito. Ito’y isang saknong na walang impit katulad ng unang saknong, at ito’y bumalik sa paraan na ang galit ay bumalik, ngunit sa halip na iiyak ay ipaglalaban na ng Bayan ang kanyang karapatan sa kanyang sariling lupain.

Karaniwang sinasabi ng lipunan na ang pag-iyak ay isang simbolo ng kahinaan, ngunit ang persona sa tula ay hindi sasang-ayon sa kaisipang ito. Mas maraming nalalaman tungkol sa ating sosyedad ang persona, dahil siya ay kumakatawan sa ating mga Pilipinong bayani, ang mga bayaning nakipaglaban para sa ating kalayaan at kasarinlan. Hinahayaan niyang umiyak ang ating Inang Bayan dahil katulad natin, ang Bayan ay napupuno rin, naghihinagpis, nagdurusa, at lumuluha. Hindi natin kakayaning kimkimin sa ating mga sarili ang pang-aapi ng mga dayuhan, mas lalo na ang pagtakwil ng ating sariling mga kababayan. Kaya iniiyak natin lahat ng sakit, lahat ng pagtitiis, lahat ng dalamhating ating nararamdaman. Ang galit ay nagiging likido na tumutulo sa ating mga mata, na dahan-dahang umaagos at dahan-dahan nating dinaramdam. Pero ibig sabihin ba nito ay iiyak na lang ang Bayan at magluluksa magpakailanman? Hindi. Ang pagluha ay ang simula lamang, ang pagtahan at pagbangon ay ang ating hantungan. Ito ang rason kung bakit hindi sumasang-ayon ang persona sa kaisipang ang pagluha ay kahinaan: dahil kapag natuyo na ang luha, doon na magsisimula ang tunay na laban.

Bagama’t matagal na noong isinulat ni Hernandez ang tulang ito at may mga tema tungkol sa pananakop, hindi ito nangangahulugan na luma na ang mensaheng ito. Modern solutions require modern problems. Hindi man direktang pananakop ang ating nararanasan, makikita pa rin natin sa ating lipunan ang “pananakop” ng mga makapangyarihan sa pamamagitan ng sensura at sa pagpapatahimik sa mga nais lamang ipahayag ang katotohan. Sa mga panahong ito (katulad ngayon), sa mga panahon na lumuluha ng dugo ang ating Bayan, sa mga panahon na kinakailangan tayong lahat upang ipaglaban ang katotohanan, doon natin iniipon ang ating lakas para balang araw ay mapawi ang luha ng mamamayang Pilipino.

filtered out word vomits