Pagsusuri — Bob Ong and RJ Ledesma

Noong mga nakaraang linggo, pinabasa sa amin ang isang parte ng libro ni Bob Ong na “Stainless Longganisa”, pati ang “I Do or I Die” ni RJ Ledesma. Bagama’t pareho itong mga akda na kumakausap sa kanilang mambabasa, mas marami pa rin ang pagkakaiba kaysa pagkakatulad.

Una: Paksa

Ang pinakamakikitang pagkakaiba sa dalawa ay ang paksang kanilang tinalakay. Kay Ledesma, tinalakay niya ang usapang kasal, habang si Ong naman ay tinalakay ang buhay, pagiging tao, ang internet at kung ano-ano pang mga bagay na may kaugnayan sa mga ito, kahit na sobrang layo na ang pinag-uusapan sa tingin natin.

Pangalawa: Istruktura

Ito rin ay isa sa mga pinakanakikitang pagkakaiba sa dalawang akda, kahit na pareho nga silang kumakausap sa mambabasa. Si Ledesma ay gumawa ng CNF na nasa kronolohikal na istruktura dahil sa linear na pagkakaugnay ng mga nangyayari bago ang kasal at pagkatapos ng kasal. Ang istrukturang ginawa naman ni Ong ay… ewan. Joke lang. Gumamit siya ng stream of consciousness, o ang teknik na ito’y tumatalon-talon mula sa isang pangyayari papunta sa isa (parang kung paano tumatakbo ang mga utak natin minsan/kadalasan depende sa tao), upang maibahagi ang mensaheng gusto niyang iparating. Sa tingin ko, swak ang ginamit nilang istruktura para sa kwento nila. Ginamit ni RJ Ledesma ang kronolohikal na daloy dahil ang ibinabahagi niyang istorya ay tungkol sa kasal, at ang kanyang pagbahaging ito ay mistulang gabay na rin (raw) para sa mga taong ikakasal. Samantala, gumamit naman si Bob Ong ng stream of consciousness dahil ang tinatalakay niya ay… ewan pa rin. Joke pa rin yan, syempre. Pero sa totoo lang, sabi nga nila na “jokes are half-meant” at medyo totoo naman ang sinabi ko na hindi ko alam kung anong nangyayari sa akda niya. Hindi dahil hindi ko talaga alam, kung hindi dahil mas metapisikal ang kanyang mensahe. Hindi ako si Bob Ong (sa totoo lang, pwede rin naman akong maging si Bob Ong… pinagdugtong lang yung una at huling pangalan.), ngunit hindi magpupukaw ng interes ang mas kronolohikal na istruktura para sa usapang buhay. Kapag nasa edad ka na na kaya mong intindihin ang mga bagay-bagay, malalaman mo at palaging ipapapaalala sa’yo na mahirap at napakakumplikado ng buhay. Hindi maiuuwi ni Bob Ong ang pagiging kumplikado ng buhay kung hindi niya ginamit ang ganitong paraan ng pagsusulat. Parang gumawa ka lang ng laro na may iskrip pero di mo na inalala ang tagpo, ang musika, at iba pang mga bagay na tutulong para maramdaman ng manlalaro ang mundong kinabibilangan ng iyong laro.

Pangatlo: Demograpiya

Iba rin ang pinatatamaan nina Ong at Ledesma sa kanilang mga gawa. Habang si Bob Ong ay nagsulat para sa mga kabataan (pati na rin siguro sa mga young at heart kasi ang interesting talaga), si Ledesma naman ay nagsulat para sa mga taong nasa yugto ng kanilang buhay na ikakasal na sila. Bagama’t medyo outdated/tradisyonal (intensyonal man o hindi), nagbibigay pa rin ito ng mahahalagang mga kabatiran ukol sa kasal, at pati na rin siguro sa pagmamahal at mga relasyon.

Sa pangkalahatan, magkaibang magkaiba ang akda ni Bob Ong at ni RJ Ledesma, ngunit walang mas matimbang sa dalawa. Kung ano man ang mga ibinahagi ni Ledesma tungkol sa kasal at iba pang magugulong bagay sa pag-ibig ay hindi kayang ibigay ni Ong, at kung ano mang nangyayaring kababalaghan sa estilo at paksa ni Ong ay hindi kakayaning ibigay ni Ledesma. Parati kong sinasabi na ang literatura at sining ay parang mga tasa ng tsaa na nagkakaiba-iba depende sa tao, at ganito nga ang nangyari sa dalawang akdang ito. Ang mahalaga ay kinakausap nila tayo, ang kanilang mambabasa, upang maglaan ng kaalaman at mga nakakaaliw na kwento na maari nating kapulutan ng bagong pananaw sa mundong ating kinagagalawan.

filtered out word vomits

Love podcasts or audiobooks? Learn on the go with our new app.